Mahirap ang buhay at madalas pa nga nating marinig na “Life is unfair.” Totoo naman at talagang marami sa atin ang nakakaranas nito.
Nakakalungkot man isipin ngunit talagang marami sa atin ang pinipili na lamang magpakatatag at hindi sumuko sa buhay hindi lamang para sa ating mga sarili kundi lalo na sa mga taong umaasa sa atin. Halimbawa na lamang ang kwento ng 8 taong gulang na si Jenny Barobo.
Ang kaniyang pagiging isang mabuting anak at kapatid ay naitampok sa Virgelyncares 2.0. Layunin nitong makatulong sa mga taong mahihirap at talagang nangangailangan.
Talaga namang kumurot sa puso ng maraming mga netizens ang kwento ni Jenny at ng kaniyang pamilya. Sa kabila ng kamusmusan ay siya na mismo ang tumatayong magulang sa kaniyang apat na nakababatang kapatid.
Nagkasakit kasi ang kaniyang ina matapos isilang ang bunso nilang kapatid at mula noon ay hindi na makalakad at makakilos pa ang kaniyang ina. Habang ang kaniyang ama naman ay paminsan-minsang nakakapalaot at nangingisda.
Madalas din daw nangungutang si Jenny sa tindahan malapit sa kanila ng asukal, kape, bigas, uling at gatas ng kaniyang mga kapatid. Sa kabila pa nito ay kapansin-pansin din kung gaano kapayat ang magkakapatid dahil sa kakulangan sa nutrisyon at pagkain.
Nang tanungin siya kung anong regalo ang kaniyang nais ay sinabi nitong nais niya ng kotse. Ngunit kalaunan ay binanggit nitong nais niya ng limang sakong bigas na agad namang ibinigay ni Virgelyncares.
Maliban dito ay binayaran na din niya ang utang nila sa tindahan. Humingi rin naman ng tulong sa mga OFW at mga taong may busilak na puso si Virgelyncares upang mas matulungan pa ang mag-anak sa mahirap nilang kalagayan ngayon.
Tunay nga na hindi biro ang pagsubok na ito kay Jenny sa murang edad niya. Ngunit talagang nakakabilib na hindi man lang maririnig sa kaniya ang reklamo bagkus ay talagang nais niyang tulungan ang kaniyang pamilya sa abot ng kaniyang makakaya.
0 Comments