Maraming mga Pilipino ang talagang mahilig pumunta ng beach, magtampisaw at maglangoy sa karagatan. Isa na kasi ito sa mga bagay na talagang ginagawa natin kung gusto nating makalimot sa mga problema o di kaya naman ay nais lamang mamahinga.
Buti na lamang ay biniyayaan tayo ng napakagandang mga karagatan at iba pang anyong –tubig kung kaya naman mula Luzon, Visayas, at Mindanao ay talagang mayroong magandang lugar na maaaring paglanguyan. Ngunit kahit gaano pa kasarap ang ganitong uri ng paglilibang at pamamasyal, hindi natin dapat makalimutan ang mga panganib na maaari nating kaharapin lalo na kung tayo ay malapit sa karagatan o sa anumang uri ng anyong-tubig.
Marahil ay hindi pa tayo pamilyar sa mga “square waves” o iyong mga alon na hugis parisukat na madalas nating makita sa karagatan. Tiyak na mabibighani at magtataka tayo sa ganitong uri ng alon na hindi natin madalas makita ngunit ito pala ay maaaring magdulot sa atin ng panganib o di kaya naman ay matinding kapahamakan.
Ayon sa ilang mga ulat, ang mga square waves na ito ay tinatawag ding “cross waves” ito raw ay nagiging resulta ng interseksyon ng mga karagatan kung saan ang mga alon ay nagsasalpukan at nagiging dahilan upang magkaroon ng mga malalakas na agos na umaabot pa sa baybaying-dagat. Sa oras na mapansin mo ito, agad na umalis sa lugar at lumikas na ng tuluyan.
Ayon pa sa ilang mga eksperto, maaaring magdulot ng kabi-kabilang aksidente sa karagatan ang mga alon na ito lalo na sa mga bangka, barko at maging sa mga tao. Kapag daw kasi mayroong isang taong natangay sa mga square waves na ito ay hindi na siya makakaahon pa dahil tatangayin ka talaga nito sa mas malalim pang parte ng karagatan.
Kung kaya naman upang maiwasan ang kapahamakan o ang maagang pagkakasawi ay agad nang lumisan sa lugar kapag nakakita ka nito.
0 Comments