Ang edukasyon ang isa sa pinakamahalagang bagay sa mga magulang. Sa Pilipinas kasi ito ang isa sa mga magiging sandata natin upang tayo ay makahanap ng maayos na trabaho at maging matagumpay sa buhay.



Kung kaya naman ganoon na lamang ang pagsusumikap ng maraming mga magulang na maitaguyod ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Matinding pagbabanat ng buto at pagihigpit ng sinturon ang ginagawa nila para lamang matustusan ang lahat ng pangangailangan ng kanilang mga anak.



Kamakailan lamang ay talagang namangha ang marami nang mapabalita ang nakakabilib na kwento ng isang estudyante sa Cebu. Siya ay walang iba kundi si Brylle Gilbuena, 22 taong gulang na estudyante.




Siya lang naman ang nakakuha ng may pinakamataas na marka sa Mechanical Engineering board exam (88.10%). Mayroong 1,904 na kumuha ng mga pagsusulit na ito ngunit 1,083 lamang ang nakapasa.




Top 1 si Gilbuena kahit pa nga hindi niya nasagutan lahat ng mga katanungan sa naturang exam. Siya ay nagtapos sa University of Cebu Lapu-Lapu and Mandaue (UCLM).

Nang makapanayam naman siya ng ABS-CBN ay naikwento niyang nahirapan talaga siya ng husto sa mga subject na Math at Science. Sa loob ng limang oras ay wala daw siyang maisagot sa 100 mga tanong.

Pangatlo na siya sa mga naging topnotcher sa kanilang unibersidad. Dagdag pa ni Gilbuena, hindi lamang pagsusumikap ang naging sandata niya sa laban niyang ito kundi higit ang kaniyang pananampalataya sa Diyos.

“Before I start studying, I pray and read the Bible so that God will guide me and I trust Him to ease my worries. I told myself, whether I pass the board or not or if I will top the board or not, I will praise God,” Pagsasalaysay ni Gilbuena.

Hindi rin daw naging madali ang lahat para sa kaniya dahil sa naudlot ang pagkuha niya ng board exam dahil na rin sa problemang pinansyal. Dahil dito ay nagtrabaho muna siya bilang isang senior high school teacher upang makaipon ng pera.

Dahil sa kaniyang tagumpay ay binigyan siya ng isang brand new car ng kaniyang alma mater bilang pagkilala at pasasalamat sa karangalang ibinigay niya sa kaniyang paaralan.