Sa mga hindi magandang balita ngayon na kumakalat pagdating sa ating mga kapulisan, talagang hindi na nakapagtataka na magduda ang publiko sa kakayahan ng ating mga pulis. Bagamat hindi biro ang trabahong kanilang napili ay hindi rin naman natin masisisi ang ilan sa ating mga kababayan na nagkakaroon ng takot sa kanila.
Kabi-kabila na rin kasi ang mga balita tungkol sa mga pulis na nananamantala ng kanilang posisyon upang makapanakit o di kaya naman ay kumitil ng buhay ng ibang tao. Buti na lamang at mayroon pa ring ilan sa kanila na nagpapamalas ng dedikasyon at pagmamalasakit ng isang pulis.
Tulad na lamang ng ginawa ng babaeng pulis na ito na nakilala bilang si Lt. Jean Aguada. Marami ang namangha at pumuri sa kaniya matapos niyang kalingain ang isang kawawang sanggol na natagpuan niyang umiiyak at mag-isa lamang sa isang barong-barong.
Nang mga panahong iyon ay naglalakad siya patungo sa isang clean-up drive at feeding program sa Quezon City nang marinig niya ang tila paghingi ng saklolo ng kawawang sanggol. Nang matunton niya ang kawawang bata ay nagulat na lamang siya dahil wala itong ibang saplot kundi ang kaniyang “diaper” na punong-puno na rin at kailangan nang palitan.
Hindi niya lubos maisip kung bakit at paano nagawa ng mga magulang ng sanggol na ito ay iwanan ng mag-isa. Sa kaniyang pagtatantiya ay nasa 5 buwang gulang na ang sanggol na talaga namang gutom na gutom nang kaniyang padedehin.
Dahil sa isa rin siyang ina ay hindi na siya nagdalawang-isip pang tulungan ang sanggol. Nais din niyang paalalahanan ang publiko na hindi dapat kailan man iwanan ang mga sanggol nang mag-isa dahil magiging lubhang delikado ito.
Nakarating din naman sa kaalaman ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang ginawang pagtulong ng pulis kung kaya naman pinuri din niya ito at sinaluduhan. Tunay nga na marami pa ring mga pulis na gumaganap sa kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya.
0 Comments